Every year, Oct. 15 is internationally recognized as White Cane Safety Day. To celebrate this, we’re publishing the winning essay from Nationwide Organization of Visually Impaired Empowered Ladies (NOVEL) Philippines’ writing contest held last August. It was written by Fermin Yap, a young Filipino with visual impairment.
“Angkop na Mundo Para sa May Kapansanan sa Paningin” by Fermin Yap
Sa iyo bang palagay, ang bansang ating ginagalawan ay naaakma batay sa ating kapansanan?
Pantay nga ba ang mga oportunidad para sa mga gaya nating may kapansanan sa paningin?
At higit sa lahat, naangkop ba ang turing ng mga tao sa komunidad kung saan tayo nabibilang? Marahil, sa mga tanong na ito ay napaisip ang karamihan sa atin. Ngunit hayaan n’yong ihayag ko sa inyo ang mga nararapat na oportunidad, mga pasilidad, at mga tamang turing ng mga tao sa komunidad na ating kinabibilangan upang maging akma ang ating bansa para sa mga gaya nating may kapansanan sa paningin.
Una na dito ang mga oportunidad na dapat taglayin ng isang bansang ating kinabibilangan.
Ang isang bansa ay dapat mayroong mga batas na ipinatutupad para sa mga katulad nating may kapansanan sa paningin. Isa na nga dito ang batas sa ating bansa na Republic Act No. 9442 o mas kilala bilang [An Act Amending Republic Act No. 7277, otherwise known as the “Magna Carta for Persons with Disabilities, And For Other Purposes].” Nakasaad sa batas na ito na dapat bigyan ng oportunidad na makilahok sa isang lipunan ang isang indibidwal na may kapansanan.
Ito ang tumutulong sa atin upang makatanggap tayo ng pagdiskwento o pagbawas sa mga produktong ating binibili sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Ngunit hindi lamang sa ganitong paraan natatapos ang dapat nating matanggap. Dapat magkaroon ng pantay-pantay na oportunidad para sa mga may kapansanan sa paningin pagdating sa pagtatrabaho upang maging angkop ang isang bansa sa mga katulad natin.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon upang makapagtrabaho ang mga gaya natin sa iba’t ibang larangan tulad ng pagsusulat, pagiging guro, paglaan ng iba’t ibang posisyon sa isang organisasyon upang maging isang pinuno, at mga trabahong kinakailangang gamitan ng lakas ng ating katawan.
Masasabi ding angkop ang isang bansa para sa atin kung ang mga paaralan o unibersidad ay nagbibigay ng pagkakataong makapasok ang mga tulad nating may kapansanan sa paningin upang makapag-aral at makapagtapos ng walang natatanggap na anumang diskriminasyon.
Hindi din dapat isantabi ang mga katulad natin sa kabila ng pandemyang kinakaharap natin magpahanggang ngayon.
Pangalawa ay ang mga pasilidad na dapat taglayin ng isang bansa para sa atin.
Kabilang dito ang mga angkop na daanan/lakaran, bukod na mga pampublikong palikuran, mga lugar sa mga kainan, gayundin ang mga pampublikong transportasyon upang makagalaw ng maayos at maging angkop ang mga pasilidad para sa mga taong may kapansanan sa paningin gaya natin.
Ang mga nabanggit na pampublikong pasilidad ay dapat na magkaroon ng railings o iba pa upang magsilbing gabay ng taong may kapansanan sa paningin sa pagpunta sa isang lugar o establisyemento.
At ang panghuli ay ang tamang turing ng ating pamahalaan at mga tao sa ating komunidad.
Ang mga taong may kapansanan sa paningin tulad natin ay hindi dapat nakararanas ng pang-aabuso at diskriminasyon mula sa ibang tao.
Mali ang pagtingin sa atin ng ibang tao kung saan tinatanong nila ang mga tulad natin kung papaano tayo mamuhay sa pang-araw-araw, makapagtrabaho, makakapag-aral, at marami pang iba.
Ang isang indibidwal na may kapansanan sa paningin ay kayang-kaya pa ding gumawa ng mga bagay na kayang gawin ng iba. ‘Di dapat ituring na kakaiba sa lahat sapagkat wala lamang paningin, ngunit kabilang pa din sa mundong ating ginagalawan at kayang-kayang makapagbigay ng malaking ambag sa lipunang ating kinabibilangan.
Ito ang mga bagay na dapat taglayin ng isang bansa kung saan tayo kabilang.
Sa pamamagitan nito, makakamit natin ang mundo na angkop para sa atin at makakapamuhay tayo ng maayos at matiwasay ng hindi nag-aalala para sa ating mga oportunidad at pang-araw-araw na pamumuhay.
Dapat tayong magkaisa upang madinig ng ating pamahalaan ang ating mga kinakailangan para sa mga tulad nating may kapansanan sa paningin.
Sa pamamagitan din ng ating pagkakaisa, mapalalakas pa natin ang ating inaasam na mundo gayon din ang ating paninindigan.
Tayo ay magkaisa, magkapit-bisig upang angkop na mundong ating inaasam ay ating makamtan.
To know more about NOVEL and Yap, stay tuned next week for our exclusive feature on the contest.
Art by Pammy Orlina
Follow Preen on Facebook, Instagram, Twitter, TikTok, YouTube, and Viber